Sunday, September 12, 2010

Badminton

Laro. Ito ang aking ginawa ngayong maghapon. Hindi naman ang maging magaling sa isport na ito ang aking habol. Mas nananaig sa akin ang mag-enjoy at makabonding ang mga kaibigan at pinsan..at maaring makahanap ng mga bagong kaibigan. Nananaig din sa akin ang magkaroon ng libangan na kapakipakinabang at makakatulong sa akin upang ilayo ko ang sarili ko sa nakakasukang pagod at pressure na dala ng trabaho at iba't ibang bagay sa aking buhay. Minsan kailangan din ang magpalipas oras..ang magliwaliw...ngunit dapat ito ay may mabuting maitutulong sa akin.

Masarap maglaro ng badminton. Hindi ako magaling, alam ko iyon. Baguhan kung tutuusin. Pero hindi iyon hadlang upang hindi ko magustuhan ito. Lahat naman ay nagsisimula sa pagiging baguhan. Tulad ng sabi ko, masarap ang maglaro ng badminton. DAhil sa bawat palo ng raketa at paglipad ng shuttle cock, naibubuhos ko lahat ng aking nararamdaman. Nandoon narin syempre ang diskarte sa pagpalo.

Hindi ko alam kung hanggang kailan ko ito lalaruin. sana magtagal. sana hanggang may pagkakataon. Pero isa lang ang sigurado ako, ang paglalaro ng badminton ay isang bagay na lubos na nakakatulong sa akin ngayon. Sa papaanong paraan? Sa paraang ang mga tunay na nakakakilala lang sa akin ang nakakaalam. sa ngayon, ang alam ko, may laro pa ako sa susunod na linggo. Iyon na muna ang iisipin ko bago ko isipin kung hanggang kailan ako maglalaro. Maaring hanggang may kalaro..hanggang may panahon. hanggang...

Sa ngayon, ako'y magpapahinga muna. Aking yayakapin ang masarap na pagtulog...dahil bukas ay panibagong pagharap nanaman sa naghihintay na trabaho at umaasang mga kaisipan na maari kong maturuan.Isang mapagpalang gabi.

Sept 12, 2010