Saturday, August 28, 2010

KULAY

"Tama iyan! Sige lang! Iyan ang mga nagbibigay kulay sa buhay!" Mga katagang nabanggit ng isang matalik na kaibigan. Pawang mga katagang binitawan ng minsang ikinuwento ko ang mga bagay-bagay na ginagawa ko at mga taong pinagaalayan ko ng panahon at oras. Oo nga't aking napag-isip isip na nararapat lang na hayaan kong maging makulay ang mga kaganapan sa aking buhay. Hayaang yakapin ang mga pagkakataon na makakapagpasaya sa akin at matutuhang bitawan at pakawalan ang mga bagay na nakakasakit at nakakapanlumo.

Sa araw ding iyon, biglang sumagi sa isip ko, kaysarap mabuhay sa makikinang at matitingkad na kulay. Nakakatuwa...nakakagalak...nakakasaya. Pero akin ding nawari, hindi ba't madami nang naging kulay ang aking buhay? maraming matitingkad, marami din naman ang mapupusyaw. Ngunit halos lahat ng mapupusyaw na ito ay nagmula din lang sa mga matitingkad. Mga kulay na nawalan ng tingkad sa pagdaan ng panahon...mga kupas na tingkad.

Tila ba ito sa isang makulay na damit na pumuputi sa paglipas ng ilang pagkakalaba. Tila ba pintura na sa pagdaan ng panahon ay nawawala o kumukupas din...Nasabi ko na lang, siguro ang mga matitingkad na damit o pintura na ito ay hindi orihinal kaya't kumukupas. dahil ang mga tunay ay nagtatagal at hindi kumukupas. Maaring tama.Maaring pwedeng ihambing ang mga ito.

Sadyang ang buhay ay maraming kulay at maraming nagbibigay at nagpapatingad nito. Subalit hindi rin maikakaila na minsan kahit gaano man katingkad o kaningning ang mga ito, mayroon pa ring mawawalan ng kulay o kaya'y maabawasan ang tingkad. Tila sadya ka lang pasasayahin ngunit biglang babawiin kapag naroon ka na sa tuktok ng kagalakan.

Maaring marami ng ganitong kaganapan ang nangyari sa akin. Marami ng kulay ang naipinta, ngunit kumupas na rin. Marami ng damit na naikula at nalabhan kaya't nawawalan na ng kulay. Tanging yoong mga totoo lang ang naiiwan at patuloy ang tingkad , na patuloy ding nagpapagalak sa akin. Ngunit sa tuwing nababalikan ko ang mga kupas na mga bahagi, hindi ko maiwasan ang malungkot dahil sa kanilang pagkawala...Akin na lang kinukuntento ang sarili sa realidad na minsan sila'y bahagi din ng aking kagalakan at matingkad na buhay. . . Na kailangan ko ding ipagpasalamat.

Sabagay, alam ko namang marami pang kulay ang nakahandang magpatingkad sa aking buhay ngunit nais ko sana sa mga susunod ay yoong mga orihinal na damit o pintura nalamang. Yoong sadyang makakasama ko sa lahat ng panahon. Yoong sadyang tunay at orihinal. Sa ngayon, ipinagpapasalamt ko ang bawat asul, berde, pula, dilaw, lila, daladan, at kanilang kombinasyon, na dumating sa buhay ko. At sa mga darating pa..ooopppss.. off limits na ang hindi orihinal.