Sa kawalan.
Sa paraiso ng iyong pagdaramdam.
Hinahanap mo ba ang kamatayan?
Hindi pa ba sapat ang lahat?
Kulang pa ba ang ika'y nasugatan?
Gusto mo pa bang panoorin
Ang bawat pagdaloy ng iyong dugo?
Kailan ka ba matututo
Matagal ka ng naglalaro.
Kailangan mo pa ba ang panibagong marka
Panibagong pilat ng kabiguan?
Naglalasing ka na naman.
Lunod ka na sa alak.
Hindi ka ba nagsasawa
Sa espiritung bumabalot sa iyong katinuan?
Ilang bote na ba ang iyong naitumba?
Hindi pa ba sapat ang isa?
Ang dalawa? Ikatlo?
Hahayaan mo pa bang sirain ka
Ng ikaapat na pagtungga?
Malamang hindi pa sapat
Ang pagtumba mo
Dahil patuloy mong iniinom
Ang alak na sumisira sa iyo.
Naglalakad ka na naman
Mabuti't kung iya'y may patutunguhan.
Hindi ko mawari
Bakit ika'y susura'y suray?
Maaring pagod ka na.
Sigurado ka bang kaya mo nang maglakad?
Bakit hindi ka muna magpahinga?
Ilang beses ka na ring naligaw
Dahil sa paulit ulit mong
Tinatahak ang daang hindi mo alam.
Nagbabakasakali ka na naman?
Na maaring ito na ang pagkakataon?
Ilang pagbabakasakali na ba
Ang nanakit sa iyo?
Hindi ka pa ba naawa
Sa sarili mo? Sa puso mo?
Hindi pa ba sapat na natalo ka na sa laro?
O kaya'y nalasing ka na ng pagkabigo?
Nais mo pa bang tahakin
Ang landas na madilim?
Ano nga bang batas ang dapat mong sundin?
Ano bang batas ang tunay mong diringgin?
O baka naman ang batas na iyong sinusundan
Ay sadyang mapanlinlang?
Ano nga ba?
Saan nga ba?
Sino ba?
Hindi ko alam.