Aking naalala, kahapon sa aking pagtulog, lamig ng Disyembre ang aking kayakap magdamag. Ngunit mapanglaw na langit at malamig paring hangin ang sumalubong at humalik sa aking paggising. Nakakapagtaka. Ganon na pala ako katagal natulog. Ang tanging nagbago ay panahon ngunit ang lamig ng hangin at ang sama ng kapaligiran ay naroon parin. Mahaba-habang panahon din ang aking hihintayin upang matapos ang panahon ng tag-ulan. Marami pang ulan ang bubuhos. Minsan mahina, ngunit madalas ay malakas. Nakakabigat ng kalooban. Sa bawat patak nito ay madadama ang bigat na dala ng langit. Kung pwede lang ibuhos lahat upang wala ng ulan bukas.
Salamat at may bahay akong uuwian na tiyak sa aki'y magbibigay ng proteksyon. Salamat at may mga makakapal na kumot at balabal akong natitira sa aming bahay. Maari ko pa silang gamitin upang aking maikubli ang sarili sa labis na panginginig. Salamat at matibay ang Payong na aking dala-dala na sa kahit anong panahon ay kaya akong isilong, maging sa init ng araw o lakas ng ulan man.
Matutulog na akong muli. Bukas inaasahan ko na tapos na ang unos... tumila na ang ulan. Tapos na rin ang matatalim na kidlat. Maligaya kong sasalubungin ang sikat ni haring araw at sabay naming bibigyang kulay ang bawat bagay sa aming kapaligiran. Sabay kaming magniningning sa bawat buhay na aming masinagan. Sabay kaming magbibigay pag-asa sa mga taong nasadlak din sa unos at nabasa ng ulan.
Ikaw, gusto mo bang sumabay?