Ngunit ang pagkakaiba lang ay lebel ng mga bagay na naibigay, naisakripisyo, at higit sa lahat mga bagay na natutuhan. Kung usapang puso lang naman, alam kong naibigay ko ang pagmamahal kung paano ko sya naiintindihan at nararamdaman. Kung pagmamahal lang, alam kong ako'y tunay na nagmamahal. Ngunit madalas hindi iyon ang sukatan upang ang isang relasyon ay magtagal at mapanatiling matatag. Kahit anong pagmamahal, sakripisyo at pang unawa man ang iyong kayang ibigay, hindi iyon isang kasiguraduhan na hindi ka maiiwang mag-isa.Tunay ang pagmamahal ay hindi kayang ipaglaban ng iisa lang, dapat ito'y pantay mula sa dalawang taong nagmamahalan. Kailangang naryan ang bawat isa upang maging matatag ang pagsasama. Hindi kaya ng isa lang..laging dalawa..dalawa para sa isa.
Kung aking babalikan ang nakaraan, nalulugkot ako sa takbo ng mga relasyon na aking sinubukang ipaglaban. Mga pangyayaring hinding hindi ko inaasahan nung mga panahong nandoon pa ako. Siguro'y pilit ko lang pinaninindigan at ipinaglalaban kaya't hindi ko namalayan na ako'y natatalo na pala. Siguro nga'y mahirap lang talaga kapag ang ipinaglalaban mo ay siya ding susuko sa labang sana'y sa inyong dalawa. Ito ay sadyang pait ng tadhana.
Sa aking pagbabaliktanaw, aking naitanong, ano nga ba ang aking kailangan? Ano nga ba ang tunay na bubuo sa aking buhay? At kung ano nga ba ang laban na dapat kong ipaglaban? Ang mga karanasan sa pagmamahal ay sadyang mga kaganapan na inilaan upang aking matutunan at lubusang maunawaan kung ano ang tunay na buhay. Malayo sa imahinasyon kundi kung ano ang abot ng realidad. Kailangan ko ng matibay na armas upang magtagumpay sa laban ng buhay. At akin ding naiintindihan na ang tunay na bubuo sa akin at ang tunay na dpaat kong iapglaban ay hindi ang taong pangako lang ang kayang ibigay kundi ang taong may paninindigan at taong hinding hindi ka isusuko sa kahit ano mang labanan.
Noon akala ko'y sapat na ang magmahal...ang makasama ang taong aking minamahal. Akala ko noo'y ito na ang buhay. Ngunit hindi pala. Hindi sapat ang magmahal ka at makasama ang taong mahal mo at paniwalaang mahal ka din niya. Oo nga't masaya. Tila ba kayang kaya mong labanan lahat. Subalit, nakakalungkot kung makikita mo ang sarili mo sa gitna ng digmaan na walang kasama. Hindi nga sapat ang pag-ibig na tunay, tapat, at totoo. Dahil sa tunay na laban, aking natutunan at lubos na naunawaan na ang pag-ibig ay iisa lang sa napakaraming sandata na dapat dalhin. Dahil sa tunay na laban, kailangan din ng taong handang ipaglaban ka at hindi bibitiwan hanggang sa huling hininga ng bawat isa. Iyon ang tunay na laban.
Sa digmaang aking pinanggalingan, marami akong sugat at sakit na nakamtan. Mahahapdi at minsa''y inakala kong hindi ko makakayanan. May mga sugat parin akong hinihintay na maghilom. May mga pilay parin akong pinapagaling upang tuluyan ng makalakad ng walang saklay. Sa digmaang iyon, natalo man ako. Naiwanan man ako sa gitna. Nasugatan man at napilayan. Hindi ko iyon pinagsisisihan. Dahil alam kong ang isang tunay na mandirigma ay marunong tunmanggap ng pagkatalo ngunit marunong ding tumayo ulit, magpalakas, at maghanda para sa susunod na laban. At sa susunod na laban, sana'y maging matibay na ang mga armas na dala ko; ang aking puso na patuloy na nagmamahal at lumalaban, at ang liksyon mula sa nakaraan. Sana susunod na laban, di ko na makita ang sarili kong nag-iisa. Sa susunod na laban, lalaban ako sa patas na labanan, labang hindi ako uuwing luhaan. Sa susunod na laban, lalaban ako para taong ako'y kaya ding ipaglaban at hindi puro salita lang.