Thursday, May 6, 2010

you are on my dreams again.

sa kabila ng pagtanggap at pilit na paglimot, marami pa rin ang pagkakataon na nasa isipan ka. Pilit mang ibaling sa ibang mga bagay at tugunan ang ibang mga problema, sadya pa ring kasama ka sa mga bigat ng kalooban. Pilit ko mang isipin at tanggapin ang ating tadhana, ay patuloy kaparing minamahal. Kagabi, mula sa di inaasang pagkakataon, muli kitang naalala. Hindi pa rin kasi nabubura mula sa aking cellphone ang mga mensahe mo mula disyembre.Lahat lahat.Kaya ng isa isahin ko ang mga iyon, di ko inaakalang iiyak ulit ako. OO nga, tatlong buwan na. Tatlong buwan na ng ang tadhana natin ay nagpasyang maghiwalay. Pero bakit parang hindi parin nagbabago yung nararamdaman? Yung pagmamahala at sakit? Pilit lang itong isinasantabi upang maipagpatuloy ang ngayon at bukas. Pero sadya talagang mahapdi ang sakit at sugat ng nasirang pagmamahalan. Sadya paring nasasaktan dahil patuloy ka pa ding minamahal. Umiiyak pa din ako tuwing gabi. Sana matapos na. Ang bigat bigat na. Ang sakit sakit na. Ayoko na. Pero bakit hindi parin ako makalabas at makatakas? Bakit paulit ulit pa rin akong bumabalik sa anino ng ating nakaraan? Sa aking pagtulog, nandoon ka nanaman sa aking panaginip. Sa aking paggising ang bigat pa rin ng pagbangon. Mahal pa rin kita pero alam kong wala na itong pupuntahan lalo pa't wala na akong nararamdamang kahit isang sensyales na gusto mo parin akong maghintay. Sadya sigurong ito ang iyong ninanais. Minsan kasi nasabi mo, bigyan kita ng panahon upang pagisipan muli ang iyong mga prioridad. At iyon na nga ang aking ginawa. Kahit gaano kasakit ang isiping hindi na ako nabibilang sa prioridad ng iyong buhay, buong puso kong inintindi dahil alam kong wala akong karapatan na sirain lahat ng plano mo sa buhay. Isang araw, sana sa paggising ko, wala na rin pati ang mga panaginip ko na kasama ka. Kasi ayoko ng managinip pa. Gusto ko ng harapin ng buong buo ang realidad. Masarap sana na nandon ka sa realidad, pero tatanggapin ko kung wala ka na. Tulad pa rin ng nais ko noon, ang makita kang masaya at kuntento sa buhay. Gusto kitang makitang magtagumpay. At kung iyong nakamit lahat ng iyan ng wala ako, magiging masaya parin ako dahil iyong napatunayan na tama nga ang pagiwan mo. Sana ang nangyari sa atin ay maging daan para maging masaya ka at mapagtagumpayan lahat ng nais mo dahil ayokong pagsisihan ang araw ng hinayaan kitang mawala sa buhay ko. Salamat sa pagmamahal noon. Ang pagmamahal at tiwala ng ibinigay mo ang patuloy pa ring nagpapalakas sa akin sa gitna ng hirap na pinagdadaanan ko ngayon. Dalangin kong mapagtagumpayan mo din lahat ng pagsubok sa buhay mo.

Salamat sa panaginip, dahil kahit man lang doo'y kasama pa rin kita. salamat sa blog, dahil kahit sa munting paraan ay naisusulat ko at nailalabas ko lahat ng saloobin ko para sa iyo.Akala ng lahat ay masaya na ako. ngunit sa gitna ng mga halakhak, ay may nagtatagong lungkot at pangungulila.