Kahapon habang ako'y papuntang Maynila, muli nanamang naglakbay ang aking makulit na puso at isip at muling nagkaroon ng katanungan. Alin nga ba ang mas madaling tanggapin kapag nasira ang isang relasyon? Mas mabuti pa bang maghiwalay na alam nyong may pagmamahalan pa ngunit hindi sya kayang ipaglaban at isama sa pangarap mo sa buhay, o mas mabuti bang maghiwalay dahil sinabi nya na hindi ka na nya mahal.
Noon, pinili ko yung una, dahil sa sa una, alam mong may pag-asa. Pero sa paglipas ng panahon, naisip ko, mas mabuti pa sana kung ipinagtapat na lang yung totoo, wala ng pagmamahal, o nagbago na yung pagmamahal niya. Dapat ito na ang pinaniwalaan ko noon pa kasi ito na yung totoong nakikita ko ngayon. Siguro nga, mababaw na dahilan yung una upang bigla ka na lang bitawan. Hinid naman ganoon ang pagmamahal kahit gaano ka praktikal ang realidad.
Malapit ng mag-apat na buwan, pero para kamakailan palang. Natututo na akong humakbang papalayo sa sakit na dala ng hiwalayan, pero may mga pagkakataon pa rin na hindi ka makagalaw. Ngayon, kahit masakit pa rin, lubos ko ng naiintindihan na wala ng dahilan pa upang maghintay o umasa. Akala ko noon, distansya lang ang pagitan, ngunit ngayon, kahit gaano na iyon kalapit, lubhang mahirap ng maabot kapag puso na ang lumayo. Di ko na sya maabot...di ko na sya mahabol...dahil sobrang layo na ng kanyang naihakbang mula sa lugar kung saan kami naghiwalay.
Maramingmga bagay na ang hindi ko kayang ipaliwanag at maraming bagay na din ang gumugulo sa akin. Pero ayoko ng manatili pa dito. Kailangan ko na talagang bilisan ang mga hakbang upang ako'y hindi mapag iwanan. Ngunit, akin ding naiintindihan na kung sino man ang tunay na nagmamahal sa aking, kahit gaano pa ang agwat ng aming nailakbay, kung ako'y nauuna, ako'y hahabulin, at kung siya naman ang nasa unahan, handa siyang bumalik upang ako'y samahan.