Saturday, April 3, 2010

Las Vegas


Sa lamyos ng simoy ng hangin
Iyong inakit ang sana'y sa akin
Binalot ng iyong yakap
At inagaw na ganap.

Sa manining mong liwanag
At ingay ng magdamag
Iyong hinarana ang aking nag-iisang pag-big
At inagaw ang kanyang pintig



Sa makikislap mong ilaw
Na makukulay na sumasayaw
Ay tuluyang inaagaw
Ang aking "ikaw."


Sa kembot at indayog mong mapang-akit
Ang marangyang pangarap na pilit
Ay nagdulot ng lubhang pasakit
Na sa puso ko ay wala ng hihigit.


Sa landi ng iyong pangako
Sa iyo'y aking ipinako
Ang tanging laman ng puso
Upang mapatunayan ang tunay na pagsuyo.

Ngunit sa lahat ng tiwala
Ikaw Vegas, ako'y sinira
Kasama ang pangarap ko
Pati na ang buhay ko.

Sa likod ng iyong mapangakit na kasiyahan
Liwanag mo'y hindi ko na masilayan
Wari'y napakaganda mong tignan
Ngunit sa loob mo'y isang huwad na kataksilan.