Thursday, March 18, 2010

Katotohanan

May mga bagay dito na kahit anong pilit man nating baguhin ay hindi natin magagawa. Minsan siguro hindi na kailangan ang pilitin pang mabago ito, ngunit siguro'y ito ay isa sa mga bagay na kailangan lang matanggap. Ngunit sa pagtanggap sa mga ito ay hindi nangangahulugang pagsuko, o kaya'y paglimot, dahil minsan sa pagtanggap naipapakita lamang ang tunay na pagmamahal at pagtitiwala. Minsan kailangan lang tanggapin na may mga bagay o mga tao na hindi lamang laan para sa iyo. Siguro nga ay ganon iyon. Ngunit wala namang makakaalam kung ano ang tama at kung ano ang mali kundi ang ang bukas.

Marami ng bagay ang nagbago. Marami ng bagay ang kailangang tanggapin. At marami naring bagay ang kailangan na lang ipagkatiwala sa Maykapal dahil maraming mga bagay na hindi natin kayang hawakan at ipaglaban pa.

Minsan gustuhin man nating maniwala, at lumaban, pero minsan kailangan ding sumuko. Hindi ibig sabihin na hindi ka na lalaban o ikaw ay sususko ay duwag ka na. Ang mga mandirigma ay marunong din sumuko hindi dahil sa sila ay takot kundi kailangan lang nilang gawin iyon dahil alam nila na sa pagkakataong iyon at sa oras na iyon, ay talo na sila. Minsan kailangan lang nilang protektahan ang kanilang sarili at ang kapakanan ng iba. Ganoon din siguro tayo sa buhay, hindi dahil sumusuko kana ay ayaw mo nang lumaban, ngunit ito ay dahil alam mong wala ng saysay pa ang lumaban dahil alam mong sa dulo niyon ay kamatayan lang.

Minsan tunay na hindi pantay ang kaganapan sa buhay. Minsan kahit gaano ka magbigay ay hindi pa rin sapat. Siguro nga ay walang sapat dito sa mundo, dahil patuloy na may hahangarin. Siguro nga'y kapag naryan lang ang isang bagay ay hindi mararamdaman ang halaga. sa pagdating ng araw, malalaman ko din kung saan ako nagkulang.

Kung sa bawat pagkabigo at kawalan ay may luha, may sakit at may pangungulila, alam kong sa huli'y may saya din na mararamdaman. Maaaring hindi pa iyon makikita o mararamdaman ngayon, pero sa pagdating ng araw, mararating din iyon. hindi man bukas, sa susunod na linggo, sa darating na buwan, maaring sa pagdaan ng taon, pero kahit gaano man iyon katagal, maghihintay akong mahilom lahat ng sugat na aking nararamdaman.

Sa kasalukuyan, ako ay nawalan, nahihirapan at nakararamdam ng sakit, siguro dahil kailangan ko lang humarap ulit sa panibagong buhay. Kailangan ko lang maging matatag muli upang humarap ulit sa panibagong pagsubok.

Nagyon, magsasara ang isang taon ng aking buhay ngunit bukas panibagon taon na naman ang aking haharapin. ano naman kaya ang nakalaan para sa akin? hindi ko alam. Pero alam kong kahit anongmangyari, kailangan kong mabituhay ulit. Tumayo ulit. At higit sa lahat ang maghilom.

Marami akong dalangin at hiling sa bawat kaarawan ko, pero baka hindi iyon marinig ng Diyos, kaya siguro'y isa na lang ang aking dalangin, iyon ay ang matuto ulit akong mabuhay mag isa at kasama noon ay malapagsan lahat ng sakit na ito. Hindi ko na rin hihilingin ang ibalik sa akin ang nakaraan dahil kailangan ko ding tanggapin na may mga bagay na kapag nawala na ay hindi na babalik muli. Kailangan ding maintindihan na hindi ka iiwanan kung ikaw ay mahalaga. Ang Diyos na lang ang magpapasya. Siya ang higit na nakakaalam.

Bukas din, kailangan kong ihanda ang sarili ko, dahil bukas, kailangan ko din magpaalam sa mga taong naging bahagi na ng buhay ko sa nakaraang isang taon. Kailangan ko ng magpasalamat sa kanyang pamilya sa lahat ng pagmamahal at pagtanggap na naibigay nila sa akin. Hindi iyon papantayan ng kahit ano pa man.Kailangan na nilang malaman ang totoo. Bukas, kaarawan ko na..araw ng aking kapanganakan, kailangan ko muling isilang ang panibagong buhay sa akin. Ngayon, mag isa ulit akong haharap sa buhay pero kakayanin ko.

Sana sa huli'y matututo na akong lumimot at maging masaya ng wala sa piling nya. Dahil alam kong natutuhan na nya iyon. Isang malaking paalam sa nakaraan at isang maluwag na pagtanggap sa hinaharap. Marming salamat sa lahat.